Ano ang maaari nating gawin kapag sumasakit ang ating mga ngipin o gilagid habang may quarantine dahil sa COVID-19?
Tunay na napakalaking suliranin ang dulot ng pagkalat ng COVID-19. Maraming problema sa kalusugan ang hindi natin mai-konsulta sa mga klinika o ospital sa kadahilanang lubhang napakadelikadong lumabas ng bahay sa panahong ito. Maraming mga "health professionals" ang hindi ngayon makapagbigay ng kanilang mga regular na serbisyo, at kasama na dito ang ating mga dentista. Base sa mga pag-aaral, napakaraming corona virus ang makikita sa laway ng isang taong may sakit ng COVID-19. At dahil ito ay isang respiratory virus, napaka-delikado para sa isang dentista at sa kanyang staff na magbigay ng dental treatments sa kadahilanang loob ng bibig ang ginagamot ng mga ito. Ang mismong paghinga ng pasyente, ang pag-bahin o pag-ubo habang nakabukas ang bibig sa harap ng mukha ng dentista, at lalo na kung may tilabsik ng tubig at hangin (aerosol) ay maaring makapagkalat ng virus sa hangin sa loob ng dental clinic. Ang virus ay maaaring lumutang sa hangin sandali, kumapit sa anumang bagay, malanghap at malaking posibilidad na makahawa sa dentista, sa staff at maging sa kapwa pasyente.
Kaya ngayong quarantine period kapansin-pansin na halos lahat ng dental clinic ay sarado maliban sa ilang mga dental department ng hospital na tumatanggap lamang ng mga emergency dental treatments. Ang pagsarado ng mga klinikang ito ay isa ding paraan para makatulong sa hindi lalong pagkalat ng virus sa ating bansa.
Pero ano nga ba ang maaari nating gawin kung masakit ang ngipin, gilagid o panga natin ngayong quarantine period kung wala tayong mapuntahang dentista?
1. Marami ngayong mga lupon ng mga dentista at espesyalista ang nagbibigay ng libreng online consultation para matulungan pansamantala ang mga nangangailangang pasyente. Maari makipagusap sa pamamagitan ng online message sa social media (facebook or twitter) o sa telepono at doon sila makakapagbigay ng dental "advice" o konsultasyon. Maaaring hindi kumpleto ang impormasyon dahil sa kawalan ng totoong checkup at mga kailangang "diagnostic tools" pero kahit papaano ay malaking tulong pa rin ito.
Ilang halimbawa nito ay ang:
"UP DENTISTA PARA SA BAYAN" na binubuo ng mga boluntaryong dentista mula sa (UP) Unibersidad ng Pilipinas Dental Alumni Association
Page: https://www.facebook.com/updentistaparasabayan/
Group: https://www.facebook.com/groups/247608133303131/
Philippine Academy of Dental Public Health
Philippine Pediatric Dentistry Society
Philippine College of Oral and Maxillofacial Surgeons
2. Maari din tumingin sa mga impormasyon sa internet tungkol sa mga pansamantalang lunas sa problemang pang dental. Ilan sa mga artikulo sa internet ay maaaring makatulong, pero dapat maging mapanuri tayo sa mga artikulong hindi katanggap-tanggap ang nilalaman pati na rin ang nagsulat at website na pinanggalingan. Ilang halimbawa ng mga artikulo tungkol sa denta home remedies na base ang nilalaman sa mga tunay na seyintipikong pag-aaral o research ay ang mga sumusunod:
Learn what first-aid steps to take if you have a toothache.
Mayo Clinic
https://www.mayoclinic.org/first-aid/first-aid-toothache/basics/art-20056628
10 Home and Natural Remedies for Toothache Pain
Healthline.com
https://www.healthline.com/health/dental-and-oral-health/home-remedies-for-toothache#vanilla-extractBasahing mabuti ang mga artikulo bago sundin lahat ng mga payong nilalaman ng mga ito. Kung hindi malinaw at hindi gaanong naiintindihan ay huwag muna sundin at kung maaari ay humingi muna ng payo sa mga dentistang nagbibigay ng online konsultasyon.
Kung tunay namang mga dental related emergency katulad ng:
1. sobrang impeksyon na may pamamaga ng mukha malapit sa mata at sa lalamunan na may kasamang hirap sa paghinga at lagnat
2. Tuloy tuloy na pagdudugo na hindi mapigilan kahit pa kumagat ng bulak
3. Aksidente o Trauma na nagdulot ng pagkatanggal ng ngipin, sobrang pagdurugo, pagkabasag ng panga at patuloy na pananakit na hindi malunasan ng gamot.
Kinakailangang malunasan ito kaagad at kailangang maitakbo sa emergency room ng hospital na mayroon sanang bukas na dental department.
CNATIENZA, DDM
References:
https://academic.oup.com/cid/article/doi/10.1093/cid/ciaa149/5734265
http://www.sdcep.org.uk/wp-content/uploads/2020/03/SDCEP-MADP-COVID-19-guide-300320.pdf
https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/hcp/dental-settings.html
0 comments:
Post a Comment